(euforbia milii)
desaparacidos
ano ang madarama kung isang membro ng angkan
nawawala, dinukot daw, di mo alam kung nasaan
walang tigil sa paghanap, walang tigil sa pagtangis
nasaan ka, o mahal ko, ang puso ko'y tinitiris
ikaw ba ay may buhay pa o ituturing nang patay
isip ko ay magulo, tikas ko ay puno ng latay
sa kaiisip, sa kaaasa na ika'y buhay pa
sa pag-asa nakakapit, di bibitiw sa adhika.
nguni't isa, dalawa, lima, sampung taon nang singkad
na di namin nasisilayan ang katauhan mong lantad
saan kami nagkamali, saan kami natuliro
ngayo'y di namin makuha pang ngumiti at magbiro
binago ng pagkawala mo yaring buhay na ito
datirati ay kimi, ngayo'y sintigas na ng bato
lumalaban sa pader, tumatangis ng buong lakas
ito ang madarama, pagpupunyagi at pagpiglas.
mayroon bang katotohan na hindi pumapalag
kahit ibaon pa sa pinakamalalim na hukay
kusa itong tumataas upang ito'y maibunyag
sa mga hindi nakaaalam ito ay patunay
di malirip ang dahilan bakit ito ay nangyari
ito ay kasamaan nagagawa ng walang wari
ang mundo bang ito malupit at puno ng kunwari
sa patas na labanan kabaliktaran nangyayari.
Itong tula na ito ay iniaalay ko sa mga dinukot at nawala magmula sa rehimeng marcos at hanggang ngayong rehimeng aquino. Sana ay matigil na ang mga pagpaslang at pagdukot sa mga taong may kaibang paniniwala.
No comments:
Post a Comment