mums


(chrysanthemum indicum)


demolisyon

pinagkabit kabit na mga bahayan
tagpi tagping kalat na ating basura
tirahan ng dukha at mga timawa
mga mahihirap, yagit ng bayan
gilid ng estero sila nakatabi
sa ilalim ng tulay sila nakakubli.

habang tahimik na natutulog
mga kabataan at may mga edad
biglang lusob ng mga otoridad
kumunidad biglang nabulabog!
demolisyon na! demolisyon na!
walang bibigay, kapit bisig na

isa't isang hanay na barikada
upang tutulan ang demolisyon
dayalogo dito, tulak doon
nag-iiringan, nakaamba na
ang mga nagliliyab na damdamin
ang gagatong, karatapata'y kamtin

ang magkabila'y di paaawat
ang lumusob, tuloy tuloy giba
ng mga tahanan ng mga dukha
ang mga nilusob ay buhatbuhat
ang mga anak, karampot na gamit
samasama, mahigpit na kapit

sila daw ay kalat sa lipunan
na lumalagong parang kabuti
sumiksik dito, sa kanayunan dati
akala yata dito sa bayan
ginto at pilak ay napupulot
ah, isang kahig at isang dakot

di ba't sila ang mga manggagawa
sa pabrikang karampot ang kita
o kaya ay mga tagapagsilbi
o nagtitinda sa tabi tabi
malinis, marangal ang gawain
nguni't ituring na mga alipin

ang kawalan ng sariling lupa
sa sariling bayan ay kakatwa
lalo na kung may mga dayuhan
nagmamay-ari ng malawakan
inaalila mga kababayan
o kay saklap na kinabukasan

ito'y malinaw na indikasyon
pamahalaang puro korapsyon
sa halip na tulong ang aasahan
siya pang dahilan ng kahirapan
tama nga yata ang nasasabi
batas sa mayaman nagsisilbi.

saan sila ngayon pupulutin
saan sila ngayon dadamputin
kung pati pag-asa aalisin
may natira pa bang bibitbitin?
huwag hayaang magkaganito
tuloy ang buhay, tuloy ang takbo

ang aking pangarap sa lahat ng pinoy
hating mga lupa sa mga magsasaka
mataas na sahod sa mga manggagawa
walang demolisyon, walang itataboy
kung ito ay ninais ng kamalayan
kasunod ay pagkilos ng mamayan. 

No comments:

Post a Comment